Malinaw pa rin sa akin ang lahat ng aking
alaala; pagkalabas mo ng kalye ay para kang nasa drama ni Coco Martin na kung
saan nagsisimula ang araw sa pagbabato ng balisong sa bawat isa. Siyempre
kasama sa main cast si Tatay! Siya lang naman ang dinadakila ng mga kapitbahay
namin pagdating ng alas-dos ng umaga dahil sa mga binibenta niyang mga paketeng
parang ticket papuntang langit. Kapag natapos ang bentahan ay siya namang
nakawan ng mga pakete kapag sumabit ang biyahe. Kapag ayaw mo namang
magpanakaw, buhay mo na lang ang pantubos gamit ang balisong... basta, ikaw na
lang ang bahalang pumili sa dalawa.
Hindi na ako nagtataka sa estado ng buhay
namin ngayon. Oo, kumikita si Tatay, pero kanya lang 'yon; ipangbibili niya
kasi ng mga luho niya. Siya rin naman kasi ang numero unong panatiko ng mga
binibenta niya. Si Nanay naman, ayon, artista rin, pero 'di ko talaga alam kung
ano ba talaga kasi mas malabo pa sa kulay ng ilog Pasig 'yong uri ng trabaho
niya. Paulit-ulit, pero laging mainit ang mga binabato niyang linya sa
araw-araw; na kesyo lecheng buhay daw 'to, wala namang magandang nangyari sa
buhay namin... Araw-araw, kung hindi raw kawali, labada naman daw ang kaharap niya.
Wala naman daw siyang sinasahod sa pagiging nanay niya sa amin ni Tatay.
Ilang beses na rin daw niyang natanong sa
sarili niya kung ilaw ng tahanan ba talaga ang tingin namin sa kanya o katulong.
Buti pa nga raw ang katulong may sinasahod eh. Siya, wala na raw siyang mabili
para sa sarili niya, matustusan niya lang daw ang mga kailangan ng buong
pamilya dahil nagsosolo sa kita si Tatay. Napapabayaan niya na rin daw ang
sarili niya. Pabigat daw kami ni Papa. Wala raw kaming silbi sa bahay dahil
napakatatamad namin.
Dumating din sa punto na takas na takas na
siya sa mga responsibilidad niya sa buhay. Naglayas siya sa bahay namin at ang
huling sinabi niya ay "wala ka nang ina, mga p***ngina niyo!" Punong
puno ako ng pagtatanong sa sarili noong mga panahon na 'yon... na sana may mas
nakatatanda akong kapatid na pwede kong mapagtanungan... P*** daw siya Kuya? Si Mama, gano'n daw siya?
Magulo at masakit pa rin sa damdamin.
Maliit pa ako noong mapagsabihan ng mga gano'ng bagay; hindi ko maintindihan
kung anong ginawa kong mali pero pakiramdam ko'y kasalanan kong mabuhay... na
ako ang pinaka-kontrabida sa lahat nang 'di ko alam ang dahilan; na sana ay
hindi nila kinailangang magsama para lamang sa paglaki ng isang supling. Parang
dalawang drama sa telebisyon na pilit pinagsasama kahit magkaiba ang time slot
ang buhay ko.
(For Creative Non-Fiction purposes only)