Sunday, March 4, 2018

Gulo


     Malinaw pa rin sa akin ang lahat ng aking alaala; pagkalabas mo ng kalye ay para kang nasa drama ni Coco Martin na kung saan nagsisimula ang araw sa pagbabato ng balisong sa bawat isa. Siyempre kasama sa main cast si Tatay! Siya lang naman ang dinadakila ng mga kapitbahay namin pagdating ng alas-dos ng umaga dahil sa mga binibenta niyang mga paketeng parang ticket papuntang langit. Kapag natapos ang bentahan ay siya namang nakawan ng mga pakete kapag sumabit ang biyahe. Kapag ayaw mo namang magpanakaw, buhay mo na lang ang pantubos gamit ang balisong... basta, ikaw na lang ang bahalang pumili sa dalawa.

     Hindi na ako nagtataka sa estado ng buhay namin ngayon. Oo, kumikita si Tatay, pero kanya lang 'yon; ipangbibili niya kasi ng mga luho niya. Siya rin naman kasi ang numero unong panatiko ng mga binibenta niya. Si Nanay naman, ayon, artista rin, pero 'di ko talaga alam kung ano ba talaga kasi mas malabo pa sa kulay ng ilog Pasig 'yong uri ng trabaho niya. Paulit-ulit, pero laging mainit ang mga binabato niyang linya sa araw-araw; na kesyo lecheng buhay daw 'to, wala namang magandang nangyari sa buhay namin... Araw-araw, kung hindi raw kawali, labada naman daw ang kaharap niya. Wala naman daw siyang sinasahod sa pagiging nanay niya sa amin ni Tatay.

     Ilang beses na rin daw niyang natanong sa sarili niya kung ilaw ng tahanan ba talaga ang tingin namin sa kanya o katulong. Buti pa nga raw ang katulong may sinasahod eh. Siya, wala na raw siyang mabili para sa sarili niya, matustusan niya lang daw ang mga kailangan ng buong pamilya dahil nagsosolo sa kita si Tatay. Napapabayaan niya na rin daw ang sarili niya. Pabigat daw kami ni Papa. Wala raw kaming silbi sa bahay dahil napakatatamad namin.

     Dumating din sa punto na takas na takas na siya sa mga responsibilidad niya sa buhay. Naglayas siya sa bahay namin at ang huling sinabi niya ay "wala ka nang ina, mga p***ngina niyo!" Punong puno ako ng pagtatanong sa sarili noong mga panahon na 'yon... na sana may mas nakatatanda akong kapatid na pwede kong mapagtanungan... P*** daw siya Kuya? Si Mama, gano'n daw siya?

     Magulo at masakit pa rin sa damdamin. Maliit pa ako noong mapagsabihan ng mga gano'ng bagay; hindi ko maintindihan kung anong ginawa kong mali pero pakiramdam ko'y kasalanan kong mabuhay... na ako ang pinaka-kontrabida sa lahat nang 'di ko alam ang dahilan; na sana ay hindi nila kinailangang magsama para lamang sa paglaki ng isang supling. Parang dalawang drama sa telebisyon na pilit pinagsasama kahit magkaiba ang time slot ang buhay ko.

(For Creative Non-Fiction purposes only)

Small Tornado