Hindi ko talaga kayo maintindihan! Namumuhay naman kami ng marangal, pero pilit niyo kaming binubura sa mundo. Palibhasa, may pribilehiyo ang iba sa inyong mamuhay ng masagana; nang 'di naghihirap, nang 'di nagtatrabaho! Kami, kahit anong kayod namin, kahit saan kami lumapit, kahit ilang lugar na ang mapuntahan namin, pare-parehong mababa ang tingin niyo sa amin. Magnanakaw, salot, simula ng kasamaan... kayo na bahalang nagdagdag! Tutal magaling naman kayong mang-apak at manghusga, 'di ba?
Pero hindi ko rin maintindihan 'yong sarili ko; oo nagagalit ako sa ginagawa niyo sa amin, pero hindi ko kayo kayang labanan. Hindi ako kagaya ng kapatid kong pula na bigla-biglang aatake. Alam niyo ba kung bakit? Kasi naniniwala akong hindi niyo kami sasaktan dahil pare-pareho tayong biniyayaan ng buhay... pero sa tuwing naaalala ko ang kapaitang handog niyo sa aking mga kalahi, doon ko napagtatantong hindi dapat basta-bastang binibigay ang tiwala... kahit sa mga edukado, o malalaking tao pa.
- Itim na Langgam
(for literary purposes only)